Ano Ang Ending?

Sa pagpili ng mga babasahin o nobela sa mga bookstores ay may ugali ako na pag-aralan muna ang mga pwedeng maging ending nila. May kung ano sa ending na laging inaabangan ko. Ayaw ko ng mga stereotype. Yung tipong sa umpisa pa lang ng pagbabasa mo ay tila alam mo na kung saan ito magwawakas. Parang pinaikot ka lang. May mga kwento sa mundo na kakaiba. Yung akala mong ordinaryong kwento ay hindi pala. May twist. Liligawin ka at bibiglain. Ganun laging impact ang hinahanap ko.

Sa pelikula, parehong impact din ang hinahanap ko. Lagi akong interested sa ending. Sa sine, may ugali ako o tayo na walang oras ang ating pagpasok. Madalas ay nasa kalagitnaan na ang pelikula o patapos na kapag pumasok tayo. Ang gagawin natin ay uulitin na lang natin ito.

Pero may mga pelikula na sadyang may misteryo o bomba sa hulihan ng istorya. Para ma-appreciate natin ay kinakailangang simulan mo sa simula. May tatlong pinoy films akong napanood. Hindi man perpekto ang mga ito pero interesting naman ang kanilang mga ending.

1. JOLOGS (2002)

Kung titingnan, wala namang masyadong kakaiba sa ending ng Jologs. Kung sa simula ay naharap tayo sa iba't ibang mga problema ng mga kabataan sa pelikula, sa ending naman ay ipinakita sa atin kung paano ito sinolusyunan (ng tama at maling pamamaraan) ng mga bidang tauhan. Pero nagustuhan ko ang pagkakalahad ng mga pangyayari. Sa pelikula ay may kanya-kanya silang tagpo at problema. May twist na nagaganap. Walang direktang ugnayan ang mga tauhan at hindi kinakailangan na magkakalilala silang lahat. Pero alam natin na hindi man sinasadya ay pag-uugnayin pa rin sila ng mga pagkakataon.

Sa ending ng pelikula ay pinagtagpo silang lahat sa iisang lugar at sitwasyon. At sa hindi sinasadyang pangyayari ay dadalhin sila nito tungo sa pagdedesisyon ng kani-kanilang mga buhay.

Sa closing credits, habang kinakanta nila ang 'next in line' ay makikita natin kung anu-ano ang mga desisyon o pagbabago na ginawa nila.

2. DREAMBOY (2005)

Sa panahon ng mga reality shows sa telebisyon ay sinubok na pasukin at gawing tema ito ng pelikulang Dreamboy. Sa simula ay hindi mo agad mapapansin ang pakay ng pelikula.

Sa pelikula ay makikilala ng simpleng si Bea Alonzo ang mayaman at disenteng si Piolo Pascual. Hindi magtatagal ay mawawala ang mayaman at sunod na papasok naman ang arogante at mayabang na tauhan - si Piolo Pascual no.2. Tulad ni Bea, tayo ring manonood ay mahaharap sa maraming katanungan habang umuusad ang kwento. Si Piolo Pascual no.1 ba at si Piolo Pascual no.2 ay iisa? Sa huli, bago pa ipakilala si Piolo Pascual no.3 ay ibubulgar na sa atin na ang tatlo ay iisa lamang at ang lahat ng nagaganap ay pawang mga pagpapanggap lamang. Isang reality show pala ang Dreamboy. Ang concept nito ay ang paghahanap sa isang simpleng babae para ipakilala sa kanya isa-isa ang tatlong personalidad na may magkakaiba at interesting na personality at background. Sino ang pipiliin ng babae at sasabihan ng "i love you?"

May ilang butas ang pelikula tulad ng bakit hindi kaagad nagawang malaman ni Bea na ang lahat ng nangyayari ay scripted, may camera at napapanood sa telebisyon gayung ang lahat ng tao sa paligid niya ay aware dito. Pero madali ng palagpasin ito lalo na't very entertaining at kakaiba ang pelikula. Gusto ko rin ang simple pero napaka-effective na acting dito ni Bea.

Ang closing credit ang pinaka-interesting sa lahat. Dito ay ipinakita kung paano nabuo ang konsepto ng Dreamboy. Makikita mo rin ang mga behind-the-scenes at mabubuko ang ilang characters na nakita natin sa kwento ay mismong mga staff pala ng tv show na Dreamboy.


3. NASAAN KA MAN (2005)

Isa ang pelikulang ito sa mga paborito kong pinoy films. Bibilib ka sa mga cinematic scenes, visuals at storytelling ng pelikulang ito. Idagdag pa ang matagumpay na pagganap ng mga tauhan.

Sa pelikula, sa isang pag-aaway ay inihulog ni Diether Ocampo si Jericho Rosales sa burol. Ang dalawa ay kapwa may pagtingin sa kapwa nila ampon na si Claudine Barreto. Ang pagtatapat at pagpapasyang pagpapakasal ng dalawa ay naging napakahirap para kay Diether. Isang araw ay ginahasa nito si Claudine. Nang malaman ito ni Jericho ay sinugod nito sa burol si Diether. Sa pag-aaway ay inihulog ni Diether si Jericho. Nasaksihan ito ni Claudine. Dala ng matinding galit ay hindi sinasadyang naitulak niya rin si Diether sa burol. Sa gabi ay bumalik si Jericho. Niyakap siya ni Claudine at nagpasalamat na nakaligtas ito. Pero ng maalala ang nagawa kay Diether ay natakot siya. Paano kung hindi nakaligtas at napatay niya ito?

Sa gitna ng takot at pag-aalala ay susubukin nilang tumakas pero mabibigo sila. Hahanapin ni Jericho ang katawan ni Diether sa burol para malaman kung nakaligtas nga ba ito o hindi. Isang katotohanan ang gugulat sa kanya at sa atin. Ang bangkay na makikita sa paanan ng burol ay katawan niya at hindi ni Diether.

Siya pala ang namatay sa pagkakahulog at hindi si Diether.

Makakaligtas sina Claudine at mga kapamilyang sina Hilda Koronel at Gloria Diaz mula kay Diether. At sa huli ay matutunan nya ring tanggapin na wala na si Jericho at papalayain niya na rin ito tungo sa kabilang mundo.

Hindi palaging may naghihintay na misteryo o bomba sa panonood natin ng pelikula. Pero mas safe at exciting kung hindi muna natin sisilipin ang dulo at uupuan muna natin ang simula. Dahil mas masarap tuklasin ang misteryo sa huli kapag punung puno na tayo ng pananabik at katanungan sa simula pa lang.

2 comments:

The Meliorist said...

ang ganda naman ng blog mo, masarap basahin tagalog na tagalog :)

two thumbs up!

Anonymous said...

agree! hehe

Post a Comment